Read GMA Network released Statement on Sarah Labati's breach of contract.
Press statement mula sa GMA Network:
Nakakontrata ang aktres na si Sarah Lahbati sa GMA Network hanggang ika-21 ng Pebrero 2015. Walang probisyon para sa leave of absence sa nasabing Artist Management Contract. Ang anumang leave ay kinakakailangan munang mapagkasunduan ng Network at ni Sarah. Samakatuwid, ang desisyon ni Sarah na mag-leave sa kabila ng hindi pagpayag ng Network ay isang malinaw na paglabag sa kanyang kontrata. At ang kanyang pahayag na pagpunta sa Switzerland na walang pagsang-ayon ng Network ay magsisilbi pang karadagdagang paglabag dito.
Si Sarah na eksklusibong mina-manage ng Network ay nauna na ring pumirma ng co-management contract sa Royal Era Entertainment & Artist Management, ang talent management company ni Annabelle Rama, ang nanay ng kasalukuyang nobyo ni Sarah na si Richard Gutierrez. Ito ay isa na namang paglabag sa kontrata ni Sarah sa GMA Network. At kung sakaling hindi na-kansela ang nasabing kontrata sa pagitan ng Royal Era Entertainment at ni Sarah, maaari silang nakasuhan ng GMA Network dahil dito.
Matapos hilingin ng Network kay Sarah na ikansela ang co-management contract sa Royal Era Entertainment ay saka naman biglang nagdesisyon si Sarah na mag-leave ng isang buwan. Tinutulan ng Network ang leave of absence na ito ni Sarah dahil na rin sa mababaw na dahilan na kanyang ibinagay na "to de-stress and unwind."
Sa kabila ng hindi pagpayag sa kanyang leave, hindi na tinupad ni Sarah ang kanyang mga obligasyon sa Network kasama na ang pagiging bahagi ng Sunday variety show na Party Pilipinas. Sa ilalim ng probisyon sa kanyang kontrata sa Network, partikular sa Paragraphs 1.3 at 1.4, malinaw na nakasaad dito na “artist shall perform the role and appear in the television programs, projects and events assigned to her, and conscientiously fulfill faithfully and promptly any and all engagements/booking contracted to her by GMA.”
Ang napabalitang insidente naman ng pag-walk-out niya sa taping ng bagong programa ng Network na Indio ay kasalukuyan pang iniimbestigahan. Tinatanggap ng Network ang kanyang pagtanggi sa akusasyong ito na posibleng magpabilis sa imbestigasyon at aksyon na gagawin ng Network. Dahil sa insidenteng ito, nag-pack up ang production team na nagdulot ng substantial na karagdagang gastos para sa Network.
Sa kanyang mga tweet, binanggit ni Sarah na umalis siya sa taping ng Indio dahil sa kanyang scheduled guesting sa Eat Bulaga, ang top-rating noontime show ng GMA, noong Nobyembre 10. Subalit, hindi naging bahagi si Sarah ng episode ng Eat Bulaga noong Nobyembre 10. Napanood siya sa nasabing programa noong Nobyembre 24 - dalawang linggo pagkatapos ng nasabing walk-out incident.
Nabanggit din sa kanyang tweets ang diumano'y referral ng ilang Network executives sa ICONS Management. Walang pahintulot ng Network ang nasabing referral. At ang konkretong hakbang ng Network sa isyung ito ay nagpapatunay lamang ng maagap na pag-aksyon ng Network sa mga reklamo o impormasyong ipinaparating dito.
Ikinalulungkot ng Network ang insidenteng ito kay Sarah lalo pa’t malaki na ang naging investment ng Network sa aktres na itinuturing na isa sa priority stars ng GMA.
Si Sarah ay home-grown exclusive talent ng GMA Network. Siya ay unang nadiskubre sa reality search na Startstruck. Kabilang sa mga naging proyekto niya ang Time Of My Life, Kokak, at Makapiling Kang Muli. Bahagi rin si Sarah ng pinakabagong primetime show ng GMA na Indio at ng pelikulang Basement ng GMA Films. Siya rin ay nagkaroon ng major endorsements sa tulong ng Talent Development and Management Department ng GMA.
Comments
Post a Comment